.

.

.

Full video:

Creamline reyna ng PVL

Nagdiwang ang Creamline Cool Sma­shers nang tangha­ling kampeon sa PVL Reinforced Confe­rence.
Joey Mendoza

MANILA, Philippines — Inilampaso ng Creamline Cool Smashers ang PayMaya High Flyers sa bendisyon ng 25-19, 25-20, 25-11 desisyon sa Game 2 para masikwat ang korona ng Premier Volleyball League Reinforced Confe­rence kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Matikas na laro ang inilatag ng Cool Smashers gamit ang kaliwa’t kanang kumbinasyong ginawa ni playmaker Jia Morado para kina Alyssa Valdez, Laura Schaudt at Michele Gumabao upang dominahin ang laban.

Nagawa pang maitarak ng Creamline ang 20-8 bentahe sa third set tampok ang back-to-back points ni Valdez na siyang naging matibay na pundasyon ng grupo para makuha ang titulo.

Itinanghal na Finals MVP si  Morado.

Winalis ng Cool Smashers ang best-of-three championship series matapos ding manalo sa Game 1 noong Linggo sa bisa ng 25-21, 22-25, 25-20, 25-19 desisyon.

Ito ang unang korona ng Cool Smashers sa liga matapos ang dalawang third-place finishes noong nakaraang taon – sa Reinforced Conference at Open Conference.

Nasungkit naman ni Pocari Sweat-Air Force team captain Myla Pablo ang Most Valuable Player award.

Ito ang ikalawang season MVP plum ni Pablo na siya ring nakakuha ng pinakamataas na parangal noong nakaraang taon sa Open Conference.

Maliban sa kanyang MVP trophy, nasikwat din ni Pablo ang Second Best Open Hitter award habang pinangalanang First Best Open Hitter si Valdez.